102
Angkan ng mga tulak sa San Juan, nasakote
By

Angkan ng mga tulak sa San Juan, nasakote

Sinalakay ng San Juan Police ang kuta ng apat na magkakamag-anak na matagal nang nagbebenta ng iligal na droga at ginagawa pang drug den ang kanilang bahay kagabi (Pebrero 14) sa Barangay San Perfecto, San Juan City.

Kinilala ni PSSupt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan Police, ang mga suspek na sina Juanjo Carl Salvador Chua, 27-anyos; kapatid na si Robert Joseph, 24; pinsan na si Jason Chua, 28; at kanilang tiyuhin na si Robert Chua, 55, pawang mga residente ng No. 48 San Marcos St., Barangay San Perfecto.

Pinangunahan ni PSInsp. Edwin Malabanan, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, ang pagsalakay sa bahay ng mga suspek bandang alas-8:30 ng gabi matapos ang isang linggong surveillance sa mga suspek.

Dala ang warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Danilo Cruz ng Regional Trial Court Branch 152 para sa kasong paglabag sa Comprehensive Illegal Drugs Act of 2002 ay sinalakay ang bahay ng magkakamag-anak.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 32 na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P16,500 at mga drug paraphernalia.

Ayon kay Reyes, taong 2013 pa ginagawang “family business” ng pamilya Chua ang pagtutulak ng droga na sinimulan ng ama ng magkapatid na suspek subalit nang ma-heart stroke noong 2016 ay ipinagpatuloy na ng kanyang mga anak ang pagtutulak kasama ang tiyuhin nito.

Nabatid na si Juanjo Carl ay sumuko na dati sa Oplan Tokhang subalit bumalik din sa pagtutulak ng droga habang si Jason ay naaresto na noong 2016 at nakulong ng mahigit dalawang taon dahil pa rin sa droga.

Inamin naman ng mga suspek na nagtutulak sila ng shabu at ibinebenta sa mga parokyano na kabarangay at sa kalapit na barangay para lumawak ang kanilang pagtutulak at ikinanta na nakukuha ang supply ng droga sa isang tulak mula sa Mandaluyong City.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa San Juan City Police custodial facility habang hinihintay ang pagdinig sa kanilang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?