173

Jul 24, 2021 @ 9:19
By

Angelina Jolie wagi! Judge sa divorce case vs Brad Pitt sinibak

Nakapuntos si Angelina Jolie sa legal battle laban sa asawang si Brad Pitt matapos paboran ang apela niyang maalis ang judge na humahawak sa kanilang divorce case.

Noong 2016 nag-file si Jolie ng diborsiyo laban kay Pitt, kung saan pinaboran ni Judge John Ouderkirk ang joint custody na hirit ng aktor.

Nitong Biyernes naman, sumang-ayon ang California court sa apela ni Jolie na masibak ang judge sa kanyang divorce case.

Sa ruling, sinabi ng Appeals Court na hindi naging tapat si Judge Ouderkirk tungkol sa business relationship nito sa mga abogado ni Pitt.

Ito umano ay isang “ethical breach” na maaaring magbigay duda tungkol sa “kakayahan ng judge na maging walang kinikilingan”.

Dahil dito, maaaring mabuksan uli ang legal battle ng Jolie-Pitt tungkol kustodiya sa limang menor de edad nilang anak sa harap ng bagong judge.

Unang nagkakilala ang “Brangelina” sa action film na “Mr. and Mrs. Smith” noong 2004.

Matapos ang dalawang taong pagiging mag-asawa, naghiwalay sila noong 2016 dahil umano sa kanilang “irreconcilable differences”, ayon kay Jolie.

May anim silang anak na sina Pax, 17; Zahara, 16; Shiloh, 15; kambal na sina Vivienne at Knox, 13; at panganay na si Maddox, 19.

Si Pitt ang ikatlong asawa ni Jolie matapos ang failed marriage sa mga aktor na sina Billy Bob Thornton at Jonny Lee Miller habang dating misis ni Pitt si Jennifer Aniston.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?