22

Oct 31, 2020 @ 21:52
By

Angel palaban kay Parlade: Hindi ako NPA!

Binuweltahan ni Angel Locsin ang naging pahayag ni Southern Luzon Command chief Lt. Gen Antonio Parlade na may kaugnayan diumano siya sa New People’s Army (NPA).

“Wala po akong tinatago, wala po akong masamang hangarin,” panimula ni Angel sa panayam ni Henry Omaga-Diaz sa radyo nitong Sabado.

“I never associated myself with the NPA. He [Parlade] associated me with the NPA. Magkaiba po ‘yun,” giit ni Angel.

“Ang sinasabi niya mayroon siyang mga ebidensiya, marami raw akong mga picture, sasabihin ko na po sa inyo ‘yong pictures na ‘yon, sa akin din po nanggaling. Kami po ang naglabas nun noong 2009 kaya siya nakuha ng iba’t ibang media outlets. Bakit po namin ilalabas ang mga litrato na tingin namin na ikapapahamak ko at may koneksyon sa NPA,” dagdag niya.

Nilinaw din ni Angel ang mga litratong ebidensiya raw ni Parlade na magpapatunay sa kaugnayan niya sa NPA.

Ani Angel, kuha ang mga larawan nang magtungo siya sa Surigao sa imbitasyon ng mga madre noong 2009.

Hindi rin aniya totoo na kasama niya noon si Bayan Muna Rep. Isagani Zarate.

Isa aniyang lehitimong outreach program para makatulong sa mga batang Lumad ang dahilan ng pagtungo niya sa lugar, na sinasabi ni Parlade na “hotbed” ng komunista at training ground ng NPA.

“Makikita n’yo po kasama ko noon ang mayor that time sa lugar na ‘yon. Mayroon pong DECS (Department of Education, Culture and Sports) permit,” sambit ng aktres.

May kasama pa raw sila noon na escort na mga militar.

Binanggit din ni Locsin ang madalas niyang pagpasok sa mga kampo ng militar para sa taping ng show niyang “The General’s Daughter” pati na ang pagbibigay niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga donasyon ngayong pandemya.

“Kung sinasabi po nila na ako po’y terorista dahil dun at matagal na nilang alam ‘to, ibig sabihin po ba niyan tumatanggap sila [AFP] ng donasyon sa isang terorista?” wika ni Locsin.

“Uulitin ko na hindi po ako NPA. Hindi po ako naging NPA. I’ve never been an NPA or supporters of any organization that promotes hate, act of terrorism, any illegal acts or any form of violence, hindi ko po pino-promote ‘yun at against po ako diyan,” diin ni Angel.

“Ang aking natatanging adbokasiya ay tumulong sa kapwa natin na nangangailangan, ‘yon po ‘yung aking nasa isip lagi. Bukal sa puso ko ‘yon at wala akong hinihinging kapalit at wala po akong hidden agenda,” dagdag niya. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,