45

Apr 23, 2021 @ 15:23
By

Angel Locsin nag-sorry sa gulo sa community pantry

Humingi ng pasensiya si Angel Locsin sa nangyaring gulo sa pagbubukas niya ng community pantry sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

“Hindi po ito ang gusto ko. Nagsimula po kami nang maayos po ang aming layunin. Pati po ‘yung pagpaplano ng social distancing nagkataon lang po talaga na… siguro gutom lang po talaga ‘yung tao na kahit wala po sa pila sumingit na po sila,” ani Angel sa video na ipinost sa kanyang Facebook page ngayong Biyernes.

“Sa mga nagambala ko po dito, pasensya na po, hindi po ito ang intensyon ko… Pasensya po talaga, gusto ko lang po i-celebrate itong birthday ko na sana makatulong po ako sa mga tao… Hindi ko po intensyon na makagulo,” dagdag niya.

Aniya pa, mayroon namang tumulong na mga barangay at city personnel maging pulis at militar sa lugar ngunit hindi pa rin nakontrol ang dagsang mga tao roon.

“Maayos naman po, though mahaba ‘yung pila may social distancing naman siya. May mga stub naman pong ipinamigay. Then, parang habang ini-interview po ‘yung mga Task Force (Disiplina) parang ‘yung mga wala pong stubs yata… sumingit po sa pila, na naiintindihan ko naman po kasi kanina pa sila naghihintay, pero ‘yun po ‘yung dahilan kung bakit po nagsiksikan pero nagsimula po kami na maayos naman po talaga,” patuloy niya.

Naglabas ng pahayag ang aktres matapos magdulot ang kanyang community pantry ng paglabag sa social distancing at pagkamatay ng isang matandang lalaki nang mahimatay habang nakapila.

Nagbukas ng community pantry sa isang commercial establishment sa Don Matias Street si Angel upang ipagdiwang ang kanyang 36th birthday ngayong April 23.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?