482

Apr 23, 2021 @ 19:19
By

Angel Locsin kakasuhan sa paglabag sa protocol

Pinag-aaralan na ngayon ng pamunuan ng Barangay Holy Spirit ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa aktres na si Angel Locsin matapos na may mamamatay na senior citizen sa inilatag nitong community pantry nitong Biyernes ng umaga sa Quezon City.

Ito ay matapos na magkaroon ng kaguluhan ang pamimigay nito ng ayuda na halos hindi na nasunod ang ipinatutupad na mga health protocol na ikinahimatay ng 67-anyos na si Rolando dela Cruz habang nakapila at kalaunan ay namatay sa ospital.

Ayon kay Barangay Holy Spirit Councilor Jomar Lagarto, walang ginawang koordinasyon ang kampo ng aktres sa kanila kung kaya’t walang nailatag na sistema para sa crowd control.

Aminado ang barangay na nagulat sila at hindi na kinaya ng mga tanod at ng mga tauhan ng Task Force Disiplina ang libu-libong mga tao na dumagsa at nag-uunahang makakuha ng ipinamimigay ng aktres.

Sa panayam kay Task Force Disiplina Head Rannie Ludovica, aabot lang sa 300 ang stub na naipamigay ng kampo ng aktres pero halos nasa 3,000 katao ang dumating galing sa iba’t ibang distrito sa Quezon City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?