31

Oct 23, 2020 @ 14:18
By

Angel Locsin hindi NPA – ABS-CBN

Sobrang naalarma ang ABS-CBN sa pagbansag ng isang top military official kay aktres Angel Locsin bilang kasapi ng New People’s Army (NPA).

“Lubos na nababahala ang ABS-CBN sa maling pagbabansag kay Angel Locsin bilang miyembro ng NPA,” ayon sa pahayag ng ABS-CBN Integrated Corporate Communications, Biyernes.

Sinabi ng Kapamilya network na sinusuportahan nito si Angel sa pagsasalita ukol sa mga paniniwala nito at pagtulong sa kapwa.

“Ang pagkakawanggawa at pagpapahayag ng sariling opinyon ay hindi dapat gawing basehan para tawaging miyembro ng mga komunista,” banggit ng kompanya.

“Naniniwala kami na tulad ng sinumang Pilipino, karapatan ni Angel na magpahayag ng kanyang sarili at manindigan para sa kanyang mga prinsipyo nang walang paghuhusga.”

“Sinusuportahan namin si Angel sa patuloy niyang paglalaan ng oras at talento sa pagtulong sa kapwa,” dagdag nito.

Matatandaang damay si Angel Locsin at kapatid nitong si Ella Colmenares sa warning ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. kina Liza Soberano at Catriona Gray.

Pinalalayo ni Parlade sina Liza at Catriona sa mga aktibista, at sinabing huwag “sundan ang landas” ni Ella na diumano’y miyembro ng NPA.

“The choice is yours Liza. And so with you Catriona. Don’t follow the path Ka Ella Colmenares (Locsin) took in the underground and NPA Quezon. I am sure Angel Locsin and Nei Colmenares will not tell you this,” ayon pa kay Parlade.

Pinalagan nina Ella, Liza, at Angel ang “baseless red-tagging” ng NTF-ELCAC official.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?