133

Aug 24, 2018 @ 16:34
By

Angara sa DICT: Anyare sa libreng Wi-Fi sa SUCs?

Kinuwestiyon ni Senador Sonny Angara ang atrasadong implementasyon ng batas na nag-uutos ng libreng Wi-Fi sa state universities at colleges (SUCs).

Idiniin na walang dahilan na hindi pa ito maipatupad dahil binigyan nila ito ngayong taon ng P327 milyon na badyet.

“Tayo po ay nadidismaya sa napakabagal na pagpapatupad ng libreng Wi-Fi para sa ating mga mag-aaral,” sabi ni Angara, vice chairman ng Senate finance committee.

“The Internet keeps us connected with our family and friends. Malaking tulong ito lalo na sa mga estudyanteng malayo sa kani-kanilang pamilya,” dagdag nito.

Ayon kay Angara, batay sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT), dalawa lang sa 112 SUCs sa buong bansa ang mayroon nang libreng internet hanggang noong Hulyo.

Ang dalawang SUCs ay ang Aklan State University at CARAGA State University.

Ayon kay Angara, ang Pipol Konek! Free Wi-Fi Project ng DICT ay may badyet ngayong taon na P1.7 bilyon, P327 milyon para sa SUCs at P1.36 bilyon para sa mga pampublikong lugar.

Hanggang noong Hunyo, 10 porsiyento pa lang umano ng badyet ang nagagamit ng DICT.

Sa ulat ng Commission on Audit noong 2017, “very low” ang performance rating sa proyekto.

Dahil dito, pagpapaliwanagin ni Angara si DICT Acting Secretary Eliseo Rio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?