478

Dec 28, 2017 @ 13:04

Angara: Mas madali nang magnegosyo sa TRAIN law

Sinabi ni Senador Sonny Angara na dahil sa inaprubahang tax reform law, mas magiging madali ang buhay ng mga Pinoy na may maliit na negosyo dahil hindi lamang sa liliit ang buwis na babayaran nila kundi mas magiging madali na rin ang pagpa-file at pagbabayad nito.

Tinukoy ni Angara ang bagong Doing Business report ng World Bank (WB) kung saan dumulas sa ika-113 ang ranking ng Pilipinas mula sa ika-99 noong nakaraang taon sa 190 iba pang bansa.

Ayon sa report ng WB, para makapag-umpisa ng negosyo sa Pinas, kinakailangang dumaan sa 20 iba’t ibang tax at contribution payments at bumisita sa iba’t ibang ahensiya nang personal ang isang nagnanais na maging negosyante.

Dagdag pa rito ang pagbabayad ng 43% sa kanilang kita ng buwis kada taon.

Sa ilalim ng Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na inisponsoran ni Angara, hindi na bubuwisan ang isang empleyado gayundin ang propesyunal at self-employed na may maliit na negosyo na hindi tataas sa P250,000 ang kita at hindi na kailangan pang mag-file ng income tax returns (ITRs).

Sa kasalukuyan kasi, kahit ang self-employed at propesyunal na wala namang babayaran na buwis ay kinakailangan pa ring mag-file ng ITRs para sa record at monitoring na layunin ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Marami talaga sa ating self-employed at professionals ang nahihirapang makasunod sa mga regulasyon ng pagbubuwis. Minsan nga, mas malaki pa ang gastos nila sa pag-comply sa tax rules kesa sa mismong babayaran nilang buwis. Kaya minabuti nating padaliin na ang sistema lalo na para sa mga maliliit na negosyante,” ani Angara, chairman ng ways and means committee.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?