122

Feb 6, 2018 @ 12:03
By

Ang maniwala sa sabi-sabi

Kung dati’y wala sa ating bokabularyo ang ‘fake news’, mainit na isyu ito ngayon na pinangangambahang isang banta sa malayang pagpapahayag (freedom of expression and of speech) at diwa ng ating demokrasya.

Sa mga public hearings sa Senado, binubusisi kung matutukoy ba ang fake news base sa anyo (form) o sustansiya (content) o sa kung sino ang gumawa (author). Kailangang mabatid ang kahulugan ng fake news para malaman kung anong klaseng animal ito. Nangangain ba ito?

Sa social media, labo-labo ang mga ideya, balita, larawan, memes, videos, atbp., at kailangang paalalahanan ng magkaka-Facebook ang isa’t isa kung fake news bang maituturing ang kani-kanilang posts. May mga pagkakataon na pinagsisimulan ng mahahabang pagtatalo ang mga FB posts na huwag naman sanang makasira sa pagkakaibigan o magandang pagsasamahan.

Para mapigilan ang pagkalat ng fake news, may mga nagtutulak na i-regulate ang impormasyon at ekspresyon at pati na ang mga daluyan (platform) tulad ng Facebook at mga fake websites na nakakubli ang nagmamay-ari. May mga nagmumungkahi rin na tindihan ang parusa sa cyber-libel.

Sa gitna ng lahat ng ito, nalilito lalo ang publiko, imbes na magkaroon ng mga mapanghahawakang kaalaman na gabay pagdedesisyon sa mga usaping panglipunan.

Matagal na ang fake news, panahon pa ni Mahoma, sabi nga. Iba lang ang tawag. Bago ang social media, ‘tsismis’ ito sa palengke; ‘usapang lasing’ sa inuman; ‘kuwentong barbero’ sa barberya; at ‘ungguyan’ sa magkakabarkada.

Kapag may official statement ang gobyerno, dinidispatsa ito ng mga kritiko bilang ‘lies’ o ‘mga kasinungalingan’. Kapag kinontra ng oposisyon ang pamahalaan, itinuturing itong ‘black propaganda’.

Maging sa panahon ng information technology, ang fake news ay nakilala muna sa tawag na ‘Internet hoaxes’.

Huwag sana tayong maligaw sa itinatakbo ng debate ng iba’t ibang grupo.

Ayon sa ating Constitution, importante ang free speech – “Article III, Section 4. “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression…” Taga sa bato, hindi mababali.

Isa ang free speech sa pinakapundasyon ng isang demokratikong bansa. Kapag gustong magsalita o magsulat o maghayag ng saloobin ang sinuman sa atin, hindi dapat busalan ang kaniyang bibig o igapos ang kaniyang kamay.

Ipaalala natin sa isa’t isa ang ‘self restraint’ o ‘self regulation’. Kapag may nasabi kasi tayong mali, maaari tayong makasakit o makasira at hindi na ito mababawi. Tanganan natin ang ‘self restraint’ o ‘self regulation’ dahil kailanman ay hindi magiging katanggap-tanggap ang ‘prior restraint’ na labag sa malayang pagpapahayag at demokrasya.

Gamot sa fake news ang pagpapalaganap sa mga tao ng mga tamang kaalaman at responsableng pagpapalitan ng kuro-kuro. The solution to fake news is not to hamper free speech but to propagate responsible speech.

Nasa tao na kung maniniwala sa fake news o tsismis o usapang lasing o kuwentong barbero o ungguyan. ‘Di ba ang sabi nga, “ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili?”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?