129

Oct 21, 2017 @ 19:05

Ang mahihirap ang market ng shabu — Duterte

Kahit magmistulang sirang plaka, hindi magsasawa si Pangulong Rodrigo Duterte sa paulit-ulit na pagsagot sa akusasyong mga mahihirap lamang ang mga nagiging biktima ng kampanya kontra iligal na droga.

Sinabi ng Pangulo na ang isyu ng iligal na droga ang laging headlines sa media kaya sasagutin niya ito hangga’t ito ang ginagamit ng kanyang mga kalaban para sirain siya.

Ayon sa Pangulo, walang bumibili ng shabu sa mga malalaking subdivision dahil coccaine ang gamit ng mga maykaya kaya ang bagsak nito ay sa mga mahihirap.

“I am redundant, repetitive in my speeches because those are the headlines there that you are peddling, kayong media. Sabihin niyo, ‘Yan lang ang sinasabi ni Duterte.’ Eh pu— lahat naman kayo araw-araw, meron ‘yang extrajudicial. Ngayon, bakit marami ang patay, hindi ‘yung mga mayaman? Diyos ko po, sinasabi ko na sa inyo, ang market ng shabu are ‘yung mahihirap na community,” ang pahayag ng Pangulo.

Kaya halos lahat ng mahihirap ay kayang bumili aniya ng shabu dahil ang talagang target ng sindikato ay mga mahihirap para madaling mabawi ang kanilang puhunan.

“Ang mahirap, ang hindi naintindihan ng mga tao at nira-rally nila ‘yung mga mahirap diyan sa Tondo, extrajudicial killing. Kayo ho ang palengke ng shabu. Remember that. Wala ‘yan sa Forbes Park. Hindi ‘yan binibili ‘yang basura na pinapakain sa inyo. So sinasabi ko lang para magkaalaman lahat,” ang dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.
(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?