579

By

Andrea Brillantes, Francine Diaz, magbabangayan!

Hindi lang kayamanan kundi pati poot sa puso ang ipamamana nina Romina (Beauty Gonzales) at Daniela (Dimples Romana) sa kanilang mga anak na sina Cassie at Marga (Andrea Brillantes at Francine Diaz) na magsisimula na ring banggain ang isa’t isa sa inaabangang serye tuwing hapon na ‘Kadenang Ginto’.

Itinadhanang maging magkaribal sina Cassie at Marga dahil agad nauwi sa salpukan ang una nilang pagtatapo nang itulak ng huli si Cassie sa pool matapos ang hindi nila pagkakasundo. Agad namang sumaklolo sa anak si Romina, pero ininsulto lang siya ni Daniela na naging dahilan ng pagbubuhat ng kamay sa kanya ng amang si Robert (Albert Martinez).

Lubos namang magmamarka kay Marga ang pangyayari at kakampihan ang ina sa pagbawi sa yaman na pinaniniwalaang nararapat upang mapaalis na sa buhay nila sina Romina at Cassie.

Sino nga ba ang karapat-dapat sa yaman at pangalan ng Mondragon?

Samantala, patok sa mga manonood ang maiinit na eksena ng Kadenang Ginto, kaya naman patuloy itong tinututukan tuwing hapon. Mula nang umere ito, hindi pa rin ito natitinag sa national TV ratings at nakapagtala kamakailan ng 17.1%, kompara sa ‘My Special Tatay’ (10.3%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Mas kakapitan pa nga ng mga manonood ang bawat tagpo ng serye sa nalalapit na paglabas ng mga teen star na sina Andrea at Francine sa pagganap nila bilang dalagang Marga at Cassie.

Kilala na si Andrea sa roles na kanyang ginampanan gaya ng ‘Annaliza’, na napansin ang kanyang husay at ginawaran siya bilang Best Child Performer Award mula sa PMPC Star Awards for Television noong 2013. Napanood na rin siya sa mga seryeng ‘E-boy’, ‘Hawak Kamay’, ‘Ina, Kapatid, Anak’, ‘Pangako Sa ‘Yo’, ‘A Love to Last’, ‘Goin’ Bulilit’ at napanood sa ilang episodes ng ‘Maalaala Mo Kaya’ at ‘Wansapanataym’.

Bagama’t baguhan naman sa industriya, pamilyar na rin sa ilan si Francine sa paglabas niya sa mga palabas na bilang batang Erich Gonzales sa ‘Be My Lady’ at batang Kim Chiu sa ‘Ikaw Lang Ang Iibigin’. Bukod pa riyan, nagkaroon na rin siya ng roles sa ‘Maalaala Mo Kaya’, ‘Ipaglaban Mo’ at ‘The Blood Sisters’.

Abangan sina Andrea at Francine sa ‘Kadenang Ginto’ tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable CH 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?