394

Sep 17, 2018 @ 17:36
By

Andaya, Villafuerte muntik nang magkasuntukan dahil sa usapin ng budget

Muntik na umanong mauwi sa rambol at suntukan ng ilang mambabatas ang ginananap na ‘all-members caucus’ ng mga miyembro ng Kamara nitong Lunes ng umaga, Setyembre 17, dahil sa mga hindi pagkakaintindihan sa panakulang P3.757-trilyon na pambansang budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, vice-chair ng makapangyarihang House Committee on Appropriations, katakot-takot na mura ang panlalait ang kanyang inabot sa kanyang kababayan at mortal na karibal sa pulitika na si House Majority Floor Leader Rolando ‘Nonoy’ Andaya Jr. habang pinagpupulungan ng mga mambabatas ang mga probisyon na nakapaloob sa 2019 budget.

Paliwanag ni Villafuerte, nagbibigay umano siya ng mga suhestiyon para tustusan ang mga napabalitang kaltas na tinamo ng ilang proyektong pang-distrito ng mga mambabatas nang siya’y kontrahin ni Andaya habang nagsasalita sa harap ng kanyang mga kasamahan.

“Si Congessman Andaya kasi, nag-a-utter ng mga masasamang words sa akin,” sabi ni Villafuerte.

Dagdag pa ni Villafuerte, hinamon umano siya ng suntukan ni Andaya subalit pinili niyang huwag patulan ang mortal niyang kaaway sa kanilang lalawigan.

Giit ni Villafuerte, may karapatan siyang mag bigay ng suhestyon kung ano baa ng mas makakabuti para sa mga malabong probisyon ng 2019 budget subalit imbes na pakinggan, siya umano’y “binully” ni Andaya.

Si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles na chairman ng appropriations panel ay hindi ay hindi rin umano nakalusot sa pambu-bully umano ni Andaya ayon kay Villafuerte.

Bilang pinuno ng mayorya, hindi dapat umano ginagawa ni Andaya ang kanyang pagiging astang brusko sa harap ng iba niyang kasamahan sa Kamara.

“He was just bullying me, bullying Karlo Nograles… marami pa siyang sinabing below the belt,” giit ni Villafuerte.

Si Andaya ay nakatakdang kalabanin ay anak ni Villafuerte na si Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte sa pagka-gobernador sa halalan sa susunod na taon

Naantala ang pag-uumpisa ng marathon session para sa P3.757 trilyon na pambansang budget dahil nabalot ng tensiyon ang all-member caucus na ipinatawag ng liderato ng Kamara para sa budget bago ang dapat na pagsisimula ng sesyon ng alas-10 ng umaga.

Natuklasan umano ng liderato ng Kamara sa pamumuno ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Andaya na mayroong isiningit na P55-bilyon na halaga ng mga proyekto si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa 2019 budget.

Dahil umano sa nasabing insertion, mayroon umanong ibang alokasyon na nabawasan para lamang mapondohan ito.

Ipinatatanggal umano nina Andaya Nograles ang Php 55 bilyon na ipinalaan ni Alvarez sa mga pet project nito.

Pero naiipit umano si Nograles dahil mismong mga bigating opisyal mula sa Palasyo ang tumatawag mambabatas para huwag galawin ang naturang alokasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?