115

By

Andaya todo-tanggi sa sigawan nila ni Nograles

Itinanggi ni House majority leader Rolando Andaya Jr. na nagsigawan sila ni House appropriations committee chairman Karlo Alexei Nograles sa meeting ukol sa 2019 national budget.

Sa press conference, sinabi ni Andaya na imposibleng mangyari ang sigawan dahil present sa meeting si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagkaroon lamang anya ng paliwanagan na hindi babawasan ang P3.757 trilyon na ipinanukalang budget ng Malakanyang gayundin ang reklamo ng maraming kongresista na may mga proyektong naipatutupad sa kanilang distrito na wala silang alam.

Hindi rin umano totoo ang lumabas na impormasyon na may P55 bilyon na alokasyong isiningit noon sa budget si dating Speaker Pantaleon Alvarez na gusto nilang alisin sa budget.

Paliwanag ni Andaya, wala silang tatapyasin kundi mayroon lamang re-alignment na gagawin kaya mananatili ang orihinal na halaga ng proposed budget.

Pinabulaanan din ng majority leader na may pina-aaprubahan siya sa appropriations committee na ibang committee report sa budget.

Nilinaw rin nito na wala pang naisusumiteng committee report ang appropriations committee sa rules committee.

Nang matanong kung papaano nai-schedule ang sponsorship kung wala pang committee report, sinabi ni Andaya na ang report ay aaprubahan pa lang dapat sa kontrobersiyal na pulong Lunes ng hapon, Setyembre 17.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?