388

Dec 21, 2018 @ 21:20

Andaya, tinabla ni Duterte sa isyu ng pagbuwag sa Road Board

aileen taliping

Tinuldukan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka sa isyu ng Road Board na ayaw ipabuwag ng Kamara.

Sa kanyang talumpati sa Change of Command ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na ang daming lumalabas na istorya na nagbibigay ng kalituhan sa publiko.

Sinabi ng Pangulo na mali ang inihayag ni Congressman Rolando Andaya na gusto niyang manatili ang Road Board dahil sa una pa lang ay gusto na niyang mabuwag ito.

Nagiging gatasan aniya ng mga tiwaling politiko ang road user’s tax kaya tama ang naging desisyon ng Senado na buwagin na ito.

“Andaya said that I was one of those who said that it should be maintained. No. Nagkamali  sila doon. My feelings about that Board was at the strongest against being there. Walang ginawa ‘yan kundi ma-corrupt,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na sang-ayon siya sa Senado na panahon na para buwagin ang Road Board at ibalik ang mandato nito sa Department of Public Works and Highways.

Hangad lang ni Pangulong Duterte na sana lang ay hindi  magdulot ng constitutional issue o constitutional crisis ang pagbuwag sa board.

“And it’s about time na buwagin nila ‘yan because if not, and If I side, which I am on the side of the Senate, it could create another constitutional issue and maybe crisis. Huwag lang sana,” dagdag pa ng Presidente.

Sinabi pa ng Pangulo na nagkausap na sila ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at lumilitaw na nagkaroon ng misunderstanding sa pag-aakalang gusto nito na manatili ang Road Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?