27

Andaya nagreklamo sa SC sa iniipit na taas-sweldo ng gov’t employees

Naghain ng petisyon for mandamus ngayong araw ang House Majority Leader na si Rolando Andaya Jr. kaugnay ng hindi pa inilalabas na last tranche na umento sa sahod ng mga government worker ayon sa Salary Standardization Law (SSL).

Bandang alas-onse ng tanghali ay dumulog sa Korte Suprema si Andaya para maramdaman na ang dagdag sweldo na iniipit pa ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ayon kay Diokno sa Pebrero pa magiging epektibo ang salary increase dahil hindi pa naaprubahan ang 2019 national budget na aaralin pa ng Senado.

Saad ni Diokno kasalukuyan pang tumatakbo ang gobyerno sa reenacted budget at hindi pa kasama sa pondo ang dagdag sa sweldo.

Buwelta naman ni Andaya, posible nang mai-release ang pondo para sa sahod kahit di pa naaprubahan ang national budget, at ang pag-iipit umano nito ay labag sa Konstitusyon at pag-abuso sa kapangyarihan. (RP)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?