38

Andaya hindi tatantanan si Diokno sa 2019 budget insertions

Itutuloy pa rin umano ng Kamara ang imbestigasyon nito sa umano’y isiningit na pondo sa 2019 budget kahit pa naipasa na nila ito.

Ayon kay House Appropriations Committee chair Rolando Andaya Jr., magsasagawa pa rin ng joint public hearings ang House Committees on Appropriations and Public Accounts tungkol sa maanomalyang insertions umano ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa national budget.

Dagdag pa niya, nagkakamali umano si Diokno kung sa tingin nito ay maaari na siyang mag-relax matapos makalusot ang national budget dahil tuloy pa rin umano sila sa pag-iimbestiga sa anomalyang kinasasangkutan ng kalihim.

Inakusahan ni Andaya si Diokno ng pagsisingit ng P75 billion sa panukalang pondo ng Department of Public Works and Highways ngayong taon dahil pinaboran umano nito ang kanyang mga kaanak sa mga proyekto sa Bicol Region.

Ilang beses na itong itinanggi ng budget chief at makailang ulit na ring hindi dumalo sa pagdinig ng komite ng Kamara kahit pa ipina-subpoena. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?