55

By

Andaya, hinamon si Diokno sa debate

Para magkaalaman daw kung sino ang nagsisinungaling, hinamon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., si Budget Secretary Benjamin Diokno sa isang debate hinggil sa panukalang nagbubuwag sa kontrobersiyal na Road Board.

Ito ay matapos na kontrahin ni Diokno ang sinabi ni Andaya na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatuloy ang operasyon ng Road Board sa pamamagitan ng pag-release ng pondo na gagamitin sa mga proyekto.

Iginiit ni Andaya na personal niyang nakausap ang Presidente tungkol sa bagay na ito.

Kaya payo niya kay Diokno, kausapin din ang Pangulo para malinawan ang kalihim sa halip na nag-a-assume sa isyu.

“He (Diokno) should stop giving alternative facts. He should stop blind-siding the President,” ani Andaya.

Sabi pa ni Andaya, ang totoo ay may itinatago si Diokno dahil ang panukalang batas na ipinipilit nitong maaprubahan ay hindi naman talaga nagbubuwag sa Road Board.

Paliwanag ng Majority Leader, ang tanging layunin ng naturang bill ay mapalitan ng “Three Powerful Road Board Kings” ang kasalukuyang collegial 7-man board.

Sa ilalim ng House Bill 7436, na nauna nang inaprubahan ng Kamara sa ilalim ng liderato ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, tatayong “Three Road Board Kings” ang mga kinatawan ng DPWH, DOTr, at DENR.

“Kasing klaro pa ng sikat ng araw na sa ilalim ng House Bill 7436, ang pondo ay off-budget, hindi transparent at idedeposito sa special trust fund under the control of the Road Board Kings,” dagdag pa ni Andaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?