68

Oct 25, 2017 @ 17:14

Andanar, pinagso-sorry sa bastos na pananalita

Hindi umano angkop para sa isang miyembro ng gabinete na namamahala pa mandin ng communications department ang inasal ni Sec. Martin Andanar nang bastusin ang mga miyembro ng European Union (EU) na kritiko ng war on drugs ng Duterte administration.

Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, bagama’t hindi na nakagugulat ang ginawang pambabastos ni Andanar dahil ito ang standards ngayon ng administrasyon, dapat inilalagay din sa lugar ang ganitong mga paandar.

“It’s highly unbecoming of a Cabinet secretary in charge of official communications to degenerate into political debauchery,” sabi ni Villarin.

Reaksyon ito ng kongresista sa naging pahayag ng kalihim sa isang pagtitipon sa London kasama ang mga overseas Filipino worker kung saan sinabi nitong suportado naman ng ilang prime ministers at presidente ng ibang bansa ang mga hakbang na ginagawa ni Pangulong Duterte at ang mga nasa baba lang aniya na pawang kulang sa sex ang panay ang batikos.

Binigyan-diin ni Villarin na hindi deserve ng mga Pilipino na katawanin ng mga opisyal ng pamahalaan sa katulad nitong kabastusan.

Giit ng mambabatas, dapat humingi ng paumanhin si Andanar sa kanyang inasal.

“I think Andanar should apologize for such rude remarks and clean up his mouth as well as his office which is in disarray,” ayon pa kay Villarin. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?