846

Oct 20, 2017 @ 19:04

Andanar kay Trillanes: Huwag ka nang bumalik!

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi mabobola ni senador Antonio Trillanes ang mga amerikano kaugnay sa biyahe nito sa Amerika.

Sa harap ito ng ulat na ikakampanya umano ng senador sa mga kausap na himukin si United States President Donald Trump na huwag ng tumuloy sa Pilipinas sa Nobyembre para dumalo sa Association of SouthEast Asian Nations (ASEAN) summit.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar, hindi mga bobo ang mga amerikano at alam ang tama at mali kaya tiwala ang Palasyo na hindi uubra ang senador kung ano man ang binabalak nito.

Wala aniyang balak ang Palasyo na hadlangan ang senador kayat hahayaan na nila kung ano ang gustong gawin sa Amerika , o kaya ay huwag ng bumalik sa Pilipinas.

“Hindi naman bobo ang mga americano eh, alam nila kung ano ang tama o hindi. Alam nila kung ano yung pangingialam or ano yung hindi. So I think si senator Trillanes ata yung gumawa niyan, hayaan mo na siyang magpaikot-ikot doon, wag na siyang bumalik,” ang pahayag ni Andanar.

Sa biyahe sa Amerika, nakausap ni Trillanes ang isang US senator na si Marco Rubio na kilalang kongra sa anti-drugs campaign ng Duterte administration.

Sinabi ni Andanar na sa ngayon ay wala namang abiso mula sa US embassy o direkta mismo sa Amerika na hindi kakanselahin ang pagbisita ni President Trump sa Pilipinas.

Ayon sa kalihim, excited ang lahat sa napipintong pagbisita ni Trump sa bansa at makaharap si Pangulong Duterte.

Bahagi aniya ng Asian visit ni Trump ang pagbisita sa Pilipinas, una muna sa bansang Japan at Guam at panghuli sa listahan ang Pilipinas. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?