18

Jan 16, 2021 @ 13:23
By

Andanar hindi kayang iwan ang broadcasting

Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Martin Andanar bago maging tanyag na brodkaster at maging kalihim ng Presdiential Communication Operations Office.

Sa ‘Jigo Live’ ng Abante Radyo Tabloidista, naikwento ni Sec. Andanar ang kanyang tinahak para maabot ang tagumpay na tinatamasa sa mundo ng broadcasting.

Saad ni Andanar, bago narinig ang kanyang boses sa radyo ay nagsimula muna siya sa ibabang pwesto.

“Nung ako’y magsimula sa Makati Broadcasting Corporation… tayo ay nag-graveyard shift. Dumaan din tayo sa tagalista ng playlist, tagapagtimpla ng kape bago tayo nakapagsalita at bigkasin iyong time check,” lahad ni Andanar.

“Napakatagal na ganon ‘yung trabaho ko,” aniya pa, kung saan kinuwento niya na nabigyan siya ng break ng kanyang boss noon na si Al Torres.

Dito na nagtuloy-tuloy ang kanyang pag-arangkada hanggang mabigyan ng tsansa na maging anchor sa GMA, National Broadcasting Network at kalauna’y sa TV5 kung saan nagsilbi siya bilang head ng news division.

Matapos nito’y tinapik si Andanar bilang secretary ng PCOO sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pagkatapos ng stint ko sa gobyerno ay talagang doon talaga ako babalik. Actually hindi naman ako nawala sa broadcast eh dahil hanggang ngayon, ako’y nagbo-broadcast pa rin,” paliwanag ni Andanar.

“I have two broadcast programs a day, from Monday to Thursday. ‘Pag Friday I have three broadcast programs, ‘pag Saturday I have two broadcast programs, so hindi tayo nawala.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?