33

Oct 6, 2021 @ 18:30
By

Anakpawis sasabak muli sa eleksyon

Naghain ng certificate of candidacy at certificate of nomination and acceptance ng mga nominee nito ang Anakpawis party-list ngayong Miyerkoles.

Pumunta sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Sofitel Philippines Plaza, ang Anakpawis na sinusuportahan ng iba’t ibang grupo gaya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Kadamay, Pamalakaya, Piston, Migrante, Amihan, at UMA.

Ang unang nominee ng grupo ay si dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano. Siya ay naupo bilang kinatawan ng partido mula 2004 hanggang 2013.

Ang iba pang nominee ay sina Lana Linaban, secretary for Political Affairs ng KMU; Francisco Mariazeta III, founding chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Manila; Isabelo Adviento, isang aktibista at lider mula sa Cagayan Valley; at Reyneiro Maarat, isang labor leader sa Southern Tagalog at pangulo ng unyon ng mga kontraktwal na manggagawa sa NutriAsia.

“Nanatiling pangunahing sigaw ng Anakpawis ang ‘Lupa, Sahod, Trabaho, Paninirahan at Karapatan,’ dahil ito ang mga pundamental na interes ng mga maralitang sektor sa bansa,” sabi ni Mariano.

Mula ng tumakbo noong 2004 ay nananalo ang Anakpawis maliban noong 2019 election.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?