22

Jul 21, 2021 @ 15:44
By

Anakbayan: Huling SONA ni Duterte, mapupuno ng mura, red-tagging

Aksaya lang sa oras ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Anakbayan spokesperson Jeann Miranda.

Giit ni Miranda, mapupuno lang ng pagmumura, red-tagging at kasinungalingan ang ika-anim na SONA ng Pangulo.

Inaasahan din ng Anakbayan na dumami ang mga galit kay Duterte dahil sa mga umano’y krimen na ginawa nito sa mga Pilipino.

“Mae-expose, malalantad yung mga ginawa niya sa mga mamamayang Pilipino. Kaya naman ini-expect namin na darami pa ang kabataang magagalit sa kanyang mga ginawa, mga kasalanan at krimen sa mamamayang Pilipino,” wika ni Miranda sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Abante Radyo Tabloidista.

Bagamat walang sariling programa ang Anakbayan, makikiisa sila sa pangkalahatang programa ng iba’t ibang sektor na magsasagawa ng kilos-protesta sa nalalapit na araw ng huling SONA ni Duterte.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan sila sa mga kinauukulan ukol sa gaganaping kilos-protesta.

Tiniyak naman ng Anakbayan na masusunod ang mga health protocol sa magaganap na kilos-protesta sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagpapanatili ng social distancing.

Isa sa hiling ng Anakbayan ay makalapit sa main gate ng Batasang Pambansa upang masigurong maiparating ang hinaing ng mga kabataan at mamamayang Pilipino ukol sa pagyurak sa kanilang mga karapatan.

“Kung kami lang po yung papipiliin, gugustuhin po talaga naming na makalapit ang mamamayang Pilipino para marinig kami sa loob ng SONA ni Duterte,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?