2,819

Dec 16, 2017 @ 18:06
By

Lucio Tan Jr. ‘under surveillance’ ng mga kidnappers

Upang masiguro ang kanyang kaligtasan, nagpasaklolo si Lucio Tan Jr., ang anak ng pang-apat sa pinaka-mayamang personalidad sa bansa na si business tycoon Lucio Tan, matapos na mapansin ang isang Toyota Altis na walang plaka ang palaging bumubuntot sa kanya saan man siya magpunta.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, nag-report ang anak ng bilyonaryong negosyante na si Tan Jr., nitong Biyernes dahil sa napansin na niya ang nasabing sasakyan na lagi siyang sinusundan maging hanggang sa gate ng kanilang tahanan sa Corinthian Gardens sa Quezon City, simula pa noong Nobyembre 30 at hanggang sa ngayon.

Nitong Disyembre 4, dalawang lalaki naman na magka-angkas sa isang motor na wala ring plaka ang naispatan niyang sumusunod sa kanya mula sa pinanggalingan niyang Century Park Hotel sa Pasay City, hanggang sa kanilang tahanan sa Corinthian.

Agad namang inalerto ni Gen. Eleazar ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng pagmamanman sa paligid ng Corinthian upang masiguro ang kaligtasan ni Tan Jr., at mahuli kung sinuman ang mga suspisyosong kalalakihan na sumusunod dito.

Hinala ng mga awtoridad, baka planong dukutin ang anak ni Lucio Tan ng mga sindikato ng kidnap-for-ransom at ipatubos ito.

Gayunman, hindi pa umano sigurado ang mga awtoridad kung ano talaga ang masamang balakin ng mga sakay ng kahina-hinalang sasakyan na sumusunod sa anak ni Lucio Tan.

Nabatid na maging si Tan, 83-anyos, pangulo ng Tanduay Distillers Inc. at direktor of Philippine National Bank and Eton Properties Inc., ay nakakatanggap din umano ng mga suspicious phone calls.

Magugunitang napaghinalaan noon si Lucio Tan na sumusuporta umano sa destabilisasyon laban sa gobyerno, dalawang araw matapos na maupo bilang Pangulo si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte, subalit pinabulaanan na niya ito.

“I have not and will never support any attempt to undermine duly-constituted authority. That’s the plain and simple truth. I will not sacrifice everything I worked for, including my family’s honor, by supporting any attempt to undermine those in power,” pagtanggi ng matandang Tan, base sa lumabas sa mga pahayagan.

Una rito, nabatid na nabanggit ni Pangulong Duterte sa isinagawa niyang pahayag sa harap ng mga OFW sa Qatar, na si Tan ay may utang umano sa gobyerno ng halagang P30 bilyong buwis at kanya itong pagbabayarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?