301

Sep 20, 2021 @ 14:18
By

Anak ng negosyante nahulihan ng cocaine sa hotel

Arestado ang 29-anyos na si Julian Ongpin, anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin, matapos makadiskubre ang mga awtoridad ng cocaine sa inarkila niyang hostel room sa San Juan, La Union noong Sabado.

Ayon sa awtoridad, nakatanggap ng sila ng tawag mula sa resort na pinuntahan ni Ongpin kasama ang babaeng si Bree Jonson, 30-anyos.

Pagdating umano ng pulisya sa kwarto nina Ongpin, natagpuan nila si Jonson na wala ng malay sa kanyang kama.

Dinala pa si Jonson sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.

Dito rin nadiskubre ng pulisya ang cocaine sa higaan kung saan nila nakita si Jonson, bagamat ‘di pa nila matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.

“What I can only say now is we found plenty of cocaine in the bed. We cannot tell what caused her death. We have to wait for the result of the autopsy,” pahayag ni Maj. Gerardo Macaraeg ng San Juan police sa ulat ng Inquirer.

Nang siyasatin nila ang CCTV footage ng kwarto, nakita nila si Ongpin na tila natataranta habang nagpapaikot-ikot sa kwarto habang umiinom ng alak.

Naiulat din na dakong alas-3:30 a.m. ng umaga noong Sabado ay nagkaroon ng komosyon sa kwarto nina Ongpin at Jonson na tumagal ng halos 15 minuto.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng pulis si Ongpin habang hinahanda ang kasong possession of illegal drugs. (MJD)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?