17

Jan 25, 2021 @ 15:30
By

Anak ng ex-mayor suspek sa nakawan

Kabilang ang anak ng isang dating alkalde sa apat na lalaking suspek sa pagnanakaw umano sa isang jewelry shop sa Marawi City.

Sinabi ni Police Staff Sgt. Amador Rosales, sa ulat ng ABS-CBN News, na kasama sa mga suspek sa nakawan sa Barangay Sugod noong Enero 16 si Mahid Salic, ang anak ni dating Marawi Mayor Fahad Salic.

Natunton ng pulisya ang behikulong ginamit ng mga suspek sa isang bahay sa Ditsaan-Ramain, Lanao del Sur, kaso wala na roon ang mga lalaki.

Nakuha sa sasakyan ang drug paraphernalia, 6 sachet ng hinihinalang shabu, at replika ng kalibre .45 na baril.

Tinanong umano ni Rosales ang misis ni Mahid kung sino ang huling gumamit ng sasakyan. Sagot ng misis, ang asawa nito.

Kinumpirma naman ng may-ari ng jewelry shop, si Noaim Mohamad Macaraya, ang sasakyan at baril na ginamit ng mga suspek.

Tinatayang P2.6 milyon ang halaga ng tinangay na pera at alahas ng mga magnanakaw.

Samantala, kasong robbery at violence against persons ang sinampa kay Mahid at sa 3 pang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?