71

Feb 17, 2020 @ 15:56
By

Anak nag-alala: Mga Pinoy crew sa coronavirus cruise ship, pinagtatrabaho pa rin

Isa lang ang pakiusap ng isang kamag-anak ng Pinoy na nasa cruise ship na tinamaan ng coronavirus outbreak, ito ay ang makabalik na ang kanyang ama sa kanilang piling.

Hindi mapigilan ni Rea, anak ng isang Pinoy crew member sa Diamond Princess cruise ship, ang mag-alala sa kanyang ama dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa nasabing barko na nakadaong sa Yokohama, Japan.

“Natatakot po siya kasi wala siyang nararamdamang assurance kung mismong sa loob pinapabayaan sila,” ayon kay Rea.

Ikinuwento rin ni Rea na hindi nakakakain ng tama sa oras ang kanyang ama at hanggang ngayon ay pinagtatrabaho pa rin sila.

“Kaya nasasaktan ako kasi hindi sila puwedeng [iwanan], kung nagkakaroon ng priority yung mga passenger, wag nila talikuran yung mga crew,” aniya pa.

Sinabi pa ni Rea na hindi siya nakakatanggap ng anumang tawag galing sa gobyerno at sinabing sila pa mismo ang gumawa ng paraan para makipag-ugnayan sa kanila.

Kumpirmadong 27 na Pinoy na ang nag-positibo sa COVID-19 sa nasabing cruise ship, ayon sa datos na nakalap ng Department of Foreign Affairs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?