459

Nov 11, 2018 @ 19:50
By

Ampatuan nagsumite ng ebidensiya sa kaso ng Maguindanao massacre

Tinapos na ng kampo ni Dating Datu Unsay Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr. ang pagprisinta ng ebidensya sa kaso ng Maguindanao Massacre kung saan pangunahing akusado ang dating alkalde.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsusumite ng “formal offer of evidence” sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).

Kasama sa mga ebidensyang isinumite ay ang minutes of the meeting na idinaos sa municipal hall ng Datu Unsay noong November 23, 2009 kung kailan nangyari ang massacre.

Nais patunayan ng kampo ni Datu Unsay na malabong naroon siya sa pinangyarihan ng massacre dahil siya ay dumalo sa pagpupulong sa municipal hall mula alas-otso ng umaga hanggang alas-12:30 ng tanghali.

Isinumite rin sa korte ang mga salaysay ng mga testigo ni Datu Unsay.

Natapos ang presentasyon ng ebidensya ng dating alkalde higit walong taon matapos ang pagsisimula ng paglilitis sa kaso noong January 5, 2010 at bago sumapit ang ika-siyam na anibersaryo ng karumal-dumal na krimen.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na inatasan na niya ang mga piskal na may hawak sa kaso na isulong ang partial resolution sa Maguindanao Massacre.

Nauna nang inaprubahan ng Korte Suprema ang pagpapalabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ng partial promulgation o partial judgement sa kaso. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?