171

Nov 8, 2017 @ 15:55
By

Amo, niratrat ng adik na tauhan

Walang awang pinagbabaril ang isang negosyante sa harap mismo ng kanyang asawa’t anak ng isa sa kanyang tauhan na napag-alamang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), ganap umanong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktimang hiniling na muna ng kanyang pamilya na itago ang pagkakakilanlan dahil sa takot sa nasaksihang pagpatay sa kanilang padre de pamilya na residente ng Short Horn St., Barangay Bahay Toro, Project 8 ng nasabing lungsod.

Bago iyon ay pinuntahan umano ng biktima ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Paquing”, may taas na 5’4”, katamtaman ang pangangatawan at tinatayang nasa edad 40 hanggang 45.

Sinita umano ng biktima ang suspek sa pakikipag-inuman nito kasama ang kanyang mga kabarkada sa bahay na pinapatirhan nito kay Paquing na nasa loob lamang ng talyer na pagmamay-ari ng una.

Iniiwasan na kasi umano ng biktima na magkagulong muli dahil sa mga nakaraang insidente na kapag nalalasing ang suspek ay inaaway nito pati ang mga kapitbahay.

Ayon pa sa misis ng biktima, napag-alaman din umano kasi nilang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga ito.

Matapos umanong sawayin ng mister niya ang suspek at mga kabarkada nito ay pumasok na umano ito sa kanilang bahay at kakain na rin sana ng hapunan noon nang ilang saglit lang ay may kumatok sa kanilang pintuan.

Agad umanong binuksan ng biktima ang pintuan at laking gulat na lamang niya nang makita si Paquing na armado ng baril at itinutok sa kanya.

Nagawa pang makatakbo ng biktima patungo sana sa kanilang banyo ngunit pinaputukan ng apat na beses ng suspek saka mabilis na nagsitakas.

Agad namang sinaklolohan ng kanyang mag-ina ang biktima at mabilis na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis sa suspek at sa isa pang kasama nito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?