615

By

Amnesty application form hindi na makita ni Trillanes

Sharing is caring!

Inamin ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV sa harap ng korte na wala itong kopya ng application form para sa hiningi nitong amnestiya mula sa Benigno Aquino administration noong 2011.

Sa harap ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150, sinabi ni Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes na hindi na iyon makita ni Trillanes.

“He cannot locate his copy,” pag-amin ni Robles.

Dahil dito, inalok nito bilang ebidensya ng aplikasyon para sa amnestiya ang video at clippings ng media report noong magsumite si Trillanes ng aplikasyon sa isang Col. Josefa Berbigal ng Department of National Defense (DND) noong 2011.

Dahil dito, sinabi ni Alameda na hindi kailangan ng korte ng secondary evidence.

Sinabihan si Robles na magsumite ng affidavit ni Berbigal at ng gumawa ng video at media reports.

Binalingan din ng hukom ang Department of Justice na pinangunahan ni Acting Prosecutor General Richard Fadullon na nagsumite ng sertipikasyon ng isang Lt. Col. Thea Joan Andarade na “no available copy” ng application form ni Trillanes.

Ipinunto ng hukom na wala lang nakitang kopya at hindi nangangahulungan na walang aplikasyon.

Ang kawalan ng application form at hindi umano pag-amin sa kasalanan sa Arroyo government ang batayan ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumabawi sa amnestiya ni Trillanes at nagpapaaresto rito.

Kapwa nangako sina Robles at Fadullon na magsusumite ng karagdagang ebidensya sa korte para tindigan ang kani-kanilang posisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?