38
arrested-jail
Oct 23, 2017 @ 15:16

American pedophile, timbog sa NAIA

Isang Amerikano na hinihinalang pedophile ang nadakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) at ng mga pulis sa Ninoy Aquino International Airprit (NAIA).

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Robin Hoyt Alderman, 58 taong gulang, na naaresto ng mga myembro ng BI border control and intelligence unit sa NAIA Terminal 2.

Dumating sa bansa si Alderman noong nakalipas na Huwebes mula sa Lungsod ng Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Bumiyahe umano sa Pilipinas ang Amerikano para makipagkita sa kanyang mga biktima na pawang mga menor de edad at kanyang nakilala sa pamamagitan ng internet.

Ayon kay Morente, ang US Embassy ang nagbigay ng impormasyon kaugnay ng nakatakdang pagbyahe sa Pilipinas ni Alderman para isakatuparan ang sekswal na pakay sa mga biktimang menor de edad.

“His conversations with the would-be victims allegedly suggested that Alderman was going to meet them when he comes here and have sexual intercourse with them,” paliwanag ni Morente.

Nakatuwang ng BI sa operasyon ang mga myembro ng Woman and Children Protection Center (WCPC) ng Philippine National Police (PNP).

Nasa kustodiya na ngayon ang Amerikano ng PNP-WCPC at sumasailalim na sa imbestigasyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?