213

By

Ambush sa opisyal ng STL sa Albay, kakalkalin ng PCSO

Ipinahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipapatawag nito ang mga bumubuo sa Small Town Lottery (STL) operators sa Albay bilang bahagi ng pagsisiyasat sa nangyaring pananambang sa isang operator at isang babaeng kasamahan nito sa harap ng isang mall sa Legazpi City kamakailan.

Sinabi ni PCSO General Manager Alexander Balutan nitong Miyerkules na interesado ang PCSO na malaman kung ang ambush kay Alex Herman Alemania, chairman ng Lucky V Prime Enterprises, isang authorized agent corporation (AAC) ng PCSO sa Albay, ay may kinalaman sa operasyon ng STL sa nasabing lalawigan.

Namatay si Alemania nitong Lunes habang ginagamot sa Albay Doctor’s Hospital pagkatapos magtamo ng sugat sa tiyan sanhi ng pagkakabaril, habang ang kanyang kasamang babae ay patuloy pa ring ginagamot.

“Ito ay bahagi ng pagsisiyasat ng ahensiya sa kung ano talaga ang ugat ng insidente. Nilalayon din nito na ayusin ang kahit anong intra-corporate dispute na maaaring mayroon sila. Kung ang internal problem sa Lucky V ay may kinalaman sa bagay na ito, nais ng PCSO na matigil ito,” ang sabi ni Balutan.

“The PCSO is not discounting any possibility that this has something to do with the internal problem among its stakeholders, kung kaya’t sinisiyasat naming mabuti ang kaso,” dagdag pa ni Balutan.

Ayon pa sa opisyal, kung ang resulta ng pagsisiyasat ay nagpapakita na ang pananambang ay dahil sa internal dispute, “kailangan nila itong ayusin agad o ang PCSO ay mapipilitang gumawa ng angkop na aksyon laban sa korporasyon. Maaaring mawalan ito ng awtorisasyon.”

Sinabi pa ng general manager na ang PCSO ay masyadong mahigpit pagdating sa mga internal dispute sa mga AAC nito at hindi mag-aatubili ang ahensya na bawiin ang kanilang kontrata kung ang pagtatalo ay hindi agad na maisasaayos, dahil makakaapekto ito sa pagpapatakbo ng pinalawak na STL.

“Hindi papayagan ng PCSO ang anumang internal dispute sa mga AAC nito dahil malaki ang epekto nito sa kita ng STL. Dapat nila kaming tulungan dagdagan ang aming kita na gagamitin para sa mga serbisyong kawanggawa ng PCSO,” ang sabi ni Balutan.

Matatandaan na nagbanta ang PCSO na ipatitigil ang operasyon ng Lucky V Prime dahil sa kabiguan nito na matugunan ang kanyang Presumptive Monthly Retail Receipt bilang obligasyon nito sa ahensya mula nang ito ay mag-umpisa ng operasyon noong nakaraang Mayo dahil na rin sa internal problem at hindi pagkakaunawaan ng mga taong bumubuo ng nasabing korporasyon. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?