467
Ambisyon ni Cayetano maging Speaker, lalong lumalabo
Mar 3, 2019 @ 16:20
By

Ambisyon ni Cayetano maging Speaker, lalong lumalabo

Lalo pang dumami ngayon ang mga balakid sa balak ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na masungkit ang liderato ng Kamara sa darating na Hulyo.

Hindi lang isa kundi apat ang posibleng makabangga ng dating kalihim bilang susunod na Speaker ng Kamara sa paparating na 18th Congress matapos mag-anunsyo ang dalawang pinakamalaking partidong politikal sa Kongreso noong isang linggo na balak nitong angkinin ang liderato ng Mababang Kapulungan pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Nauna ng inanunsyo ng dakilang alalay ni PDP Laban President at reelectionist Sen. Koko Pimentel na si Ronwald Munsayac sa isang press release na muling isasabak ng kanilang partido bilang lider ng Mababang Kapulungan si napatalsik na dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez kung ito’y muling papalaring manalo bilang mambabatas ng unang distrito ng Davao del Norte sa darating na midtem elections sa Mayo 13.

Bukod kay Alvarez, isa rin sa mga ikinu-konsidera ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa sidekick ni Pimentel ay si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.

Si Velasco ay kilalang malapit kay presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte na siya namang pinaniniwalaan na nasalikod ng pagpapatalsik kay Alvarez bilang Speaker ng Kamara noong Hulyo ng nakaraang taon.

Nitong Miyerkoles, binanggit ni Mayor Duterte sa isang ambush interview sa balwarte mismo ni Cayetano sa Pateros na interesado din umano maging susunod ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Lakas-CMD President at dating Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Si Romualdez ay pinsang-buo ni administration senatorial bet at Ilocos Norte Rep. Imee Marcos na kilalang malapit din sa presidential daughter. Si Romualdez ay siya din umanong ‘chosen one’ in dating Pangulo at kasalukuyang House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na inaasahang magreretiro na sa politika sa katapusan ng Hunyo.

Nitong Biernes lamang, inilutang ng National Unity Party (NUP), ang pangalawang pinakamalaking partidong politikal na kaalyado ng Administrayong Duterte sa Kamara na binabalak din nilang magsalang ng sarili nilang kandidato bilang lider ng Mababang Kapulungan.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalaan source, hiniling ng mga mataas na opisyales ng nasabing partido kay incumbent House Majority Floor Leader at Capiz Rep. Fredenil Castro na itayo niya ang bandera ng NUP paakyat sa liderato ng Kamara.

Si Castro na kasalukuyang pangulo ng NUP ay isa din sa mga personalidad na nasa likod ng matagumpay na pagpapabagsak kay Alvarez bilang Speaker noong isang taon.

Ang mga nasabing mambabatas na inaasahang magiging karibal ni Cayetano sa kanyang pangarap maging Speaker ng Kamara de Representate sa darating na huling linggo ng Hulyo.

Ilan din sa kanyang mga dating nakabangga sa politika ang inaasahan ding magiging tinik sa kanyang balak maging pinuno ng kamara, una na sa listahan ay si dating Bise Presidente Jejomar Binay na tumatakbo ngayon bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Lungsod ng Makati.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?