187

Dec 18, 2019 @ 19:05
By

Ama tinaga sa ulo ng sariling anak, tinapon pa sa poso negro

Dahil umano sa kalupitan ay nagawang patayin ng isang anak ang kanyang sariling ama at itapon ang bangkay nito sa poso negro ng kanilang bahay ayon sa ulat ng pulisya sa Roxas City, Capiz.

Kinilala ang biktimang si Rizaldo Azuno, 67, residente ng Sitio Puntod Barangay Dunginan ng nasabing lungsod, ito ay nagtamo ng mga taga sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala kusang loob namang sumuko ang suspek na si Roger Azuno, 44, sinasabing may diperensya sa pag-iisip.

Sa ulat ng Roxas City police, nagpa-blotter sa pulisya ang misis ng biktima na nakilalang si Corazon dahil sa nawawala ang asawa nito ng anim na araw.

Doon na nakunsensya ang suspek at inamin sa kanyang ina ang ginawa niya sa sariling ama.

Dahil sa ginawang pag-amin ng suspek ay agad na tinungo ng pulisya at kaanak ang poso negro na pinaghulugan sa biktima at doon bumulaga sa kanila ang bangkay nito na halos tadtad ng taga ang ulo at katawan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at sinabing kaya lang nito nagawa sa kanyang ama ang karumal-dumal na krimen ay dahil sa pagiging malupit nito.

Ayon naman sa asawang ng biktima, madalas umanong binubugbog ng biktima ang suspek na anak tuwing umuuwi itong lasing.

Sinampahan na ng kasong parricide ng pulisya ang suspek dahil sa ginawang krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?