161

Oct 12, 2017 @ 8:11

Ama ni Nadine, hindi pa lusot

Una dito, nabatid sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) na bagamat pumirma sa ‘waiver’ ang ama ng aktres na si Ulysses Lustre, na huwag nang isailalim sa awtopsiya ang anak na nagpakamatay ay hindi pa rin umano ito lusot at posibleng makasuhan kapag napatunayang siya ang may-ari ng baril na ginamit sa pagpapatiwalakal ng anak Oktubre 8, 2017 sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City.

Kumbinsido din umano ang ama ni Nadine na nagpakamatay si Isaiah, kaya hindi na siya pumayag pa sa anumang imbestigasyon na gagawin ng mga tauhan ng CIDU-QCPD.

Si Isaiah ay natagpuang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang silid sa No. 19 Hilo St., Silvina Village, Barangay Talipapa ng nasabing lungsod. Siya ay may tama ng bala ng baril sa ulo.

Batay sa pahayag ng nakababatang kapatid na babae ni Nadine na nakilalang si Naomie, dakong alas-7: 45 ng gabi, habang abala ito sa paglalaro sa kanyang i-pad ay nakarinig na lamang siya ng dalawang putok ng baril mula sa silid ni Isaiah.

Agad niyang tinungo ang silid ni Isaiah at doon ay bumungad sa kanya na nakabulagta na ito at tumatagas ang dugo sa ulo,
at dahil sa matinding takot ay tinawag niya ang kanyang kuya na nakilalang si Ezexiel, na humingi naman ng tulong asa kanilang mga kapitbahay.

Isinugod sa Pacific Global Medical Center ang binatilyo subalit idineklara siyang binawian ng buhay dakong alas-9:15 ng gabi ng attending physician na nakilalang si Dr. Ma. Therese Odilla S. Barasi.

Sa pahayag ng mga kapatid ng biktima sa pulisya, wala namang nasasabing mabigat na problema sa kanila si Isaiah pero nitong mga huling linggo ay napapansin na umano nila ang pagiging malungkutin, bugnutin, ayaw makipag-usap sa kanila at laging nagkukulong sa kanyang silid.

Nakasamsam ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) sa pamumuno ni Police Chief Inspector Mary Grace Alvarez ng caliber.380 na walang serial number, chamber load, (2) fired catridge cases, at ( 2) live ammunitions sa lugar na pinagyarihan ng krimen. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?