52

Jun 20, 2021 @ 22:10
By

Ama nalunod sa mismong Father’s Day

Nabalot ng pighati ang masaya sanang selebrasyon ng Father’s Day ng isang mag-anak nang malunod ang kanilang ama sa isang lawa sa Tapaz, Capiz nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Galo, 55 anyos, at residente ng Barangay Candelaria sa nasabing bayan.

Naliligo umano ang biktima kasama ang mga kaanak sa Marugo Lake sa Barangay San Antonio para ipagdiwang ang Father’s Day.

Ayon sa ulat, nagkayayaan sina Galo kasama ang tatlo niyang kaanak na tumawid sa lawa sakay ng isang maliit na bangka, ngunit habang nasa gitna ng lawa ay bigla na lamang tumaob ang bangka.

Nakaligtas ang tatlong kasama ni Galo at siya lamang ang nalunod sapagkat hindi umano ito marunong lumangoy.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad at natagpuan nila ang katawan ng biktima matapos ang isang oras na paghahanap.

Tinangka pang dalhin si Galo sa pagamutan ngunit idineklara ring dead on arrival.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?