84

Dec 20, 2017 @ 18:15
By

Ama kalaboso sa pangho-hostage sa 3-anyos na anak

Sa kulungan bumagsak ang isang ama matapos na bigla na lamang na tutukan ng patalim ang kanyang tatlong taong gulang na anak na lalaki habang sakay sila ng isang pampasaherong bus sa Caloocan City, umaga nitong Miyerkules.

Sa ulat ni PO1 Jennifer Benitez, ng Caloocan City Police-Women and Children’s Protection Desk (WCPD), alas-10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Dagat-Dagatan Avenue at Tanigue Street, Barangay 14 ng nasabing lungsod.

Lulan ng isang pampasaherong bus ng Phil. Tourister Inc. na may plakang ACD-1897 ang mag-amang sina Ian Christopher Lacuesta, 29-anyos, walang hanapbuhay at Prince Timothy Lacuesta, 3-anyos, na pawang mga taga-Mahaturing Street, Barangay Mandresa, Quezon City.

Isang concerned citizen na nakilalang si Manuel Lelis Jr. ang nakakita nang bigla na lamang na maglabas ng patalim si Ian at tinutukan sa leeg ang paslit, agad siyang humingi ng saklolo sa kalapit lang na Northern Police District Station na mabilis namang nakaresponde.

Nakipagnegosasyon sina PO1 Rodel Evardone, PO1 Allan Acilador at PSInsp. Alexander Vergara ng NPD-Special Reaction Unit (SRU) sa suspek na bitawan na ang patalim na hawak at maawa sa kanyang anak at pakawalan na ito ngunit matigas ang suspek at ayaw makinig, tumagal din ng halos isang oras ang negosasyon.

Nang akmang uundayan na ng saksak ang kanyang anak ay nadakma ng mga pulis ang kamay ng suspek.

Kapwa dinala sa Caloocan City Medical Center ang mag-ama upang sumailalim sa medical examination.

Pagkatapos ay idiniretso na rin sa himpilan ng pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong attempted parricide, kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan sa ina ng biktima ang mga awtoridad at kung hindi ito makita ay iti-turnover ang paslit sa City Social Welfare sa lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?