425

Jan 5, 2022 @ 12:58

Alvarez: ‘Wag tayo aatras! Si Ping ang kailangan ng bayan laban sa magnanakaw

Mawawalan ang mga Pilipino ng isang kandidato na pinaka-kwalipikado at tamang lider para maging susunod na pangulo sa 2022, kung magwi-withdraw si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson.

Ito ang inihayag ng pangulo ng partido na si dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez kaugnay ng ilang nagsasabi na dapat nang umatras si Lacson sa presidential race.

“Sa akin naman, sabi ko, aba’y kahit anong mangyari, huwag tayong tumigil dahil pagka tumigil, we are depriving the voters of the opportunity to choose the right leader in the May 9, 2022 elections,” sabi ni Alvarez sa panayam ng radio broadcaster na si Deo Macalma sa DZRH nitong Miyerkules.

Iginiit ni Alvarez na sa lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo, si Lacson ang pinaka-kwalipikado kaya naman hindi titigil ang pinuno ng Partido Reporma sa pagkampanya ng kanyang mga adbokasiya ano man ang mangyari.

Ayon pa sa dating House Speaker, bahagi ng “dirty tricks” ng ibang kampo ang palitawing aatras si Lacson kahit may apat na buwan pa bago ang halalan.

“Hindi po totoo ‘yan (na aatras siya sa laban), Kuyang. At para sa akin, ito ay alam mo na, ‘yung dirty tricks ng pulitika to make it appear na kami ay titigil at susuko,” sabi ni Alvarez kay Macalma.

Taktika umano ito para “nakawin” ang running mate ni Lacson na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nangunguna sa mga nakaraang survey matapos unang magdeklara ang tandem ng kanilang kandidatura.

Buwelta ni Alvarez sa mga nagpapahiwatig na dapat nang umatras si Lacson, mahaba pang panahon bago ang halalan at hindi dapat na ituring na eleksyon ang mga nakaraang survey. Aniya, pwede pang magbago ang isip ng taumbayan kahit sa mismong araw ng halalan.

“Sa akin naman, kuyang, dapat isipin din nila na ‘yung eleksyon ay May 9 pa ‘yun, malayo pa yun. ‘Yung surveys kasi ay hindi naman ‘yan eleksyon. Ang tao pwedeng magbago two months, one month before, two weeks before, three weeks before, one week before or even a day before—pwede pang magbago ng isip ‘yon,” sabi ni Alvarez.

Itinanggi rin ng beteranong kongresista ang mga ulat na nakikipag-negosasyon ang Partido Reporma sa ibang mga grupo para patatagin ang sinasabing oposisyon dahil nakatutok ang partido sa groundwork na magpapalakas pa sa suporta kay Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?