44

Dec 12, 2017 @ 16:45
By

Alvarez sa martial law critics: Mag-militar, pulis muna kayo

Hinamon ni Speaker Pantaleon Alvarez ang mga kritiko ng martial law na pumunta sa Mindanao bago batikusin ang hiling ni Pang. Rodrigo Duterte na palawigin ng isang taon ang batas-militar sa rehiyon.

Pinayuhan rin ni Alvarez na mag-sundalo o mag-pulis muna ang mga nagsasabing kaya nang labanan ng puwersa ng gobyerno ang terorismo kahit walang martial law.

“Eh mag-military muna at mag-pulis muna sila para masabi nila ‘yon,” kantyaw ni Alvarez.

“Iba kasi ang pananaw ng civilian, at sa pananaw ng military at pulis. Kaya ang Presidente nakikinig sa military at pulis dahil mas alam nila ‘yung sitwasyon. Eh tayo miron-miron lang sa nakikita natin eh,” dagdag ng Speaker.

Para kay Alvarez, walang dahilan para hindi pagbigyan ang hirit ng presidente para palawigin ng isang taon ang martial law.

Bukod sa meron anyang basehan ang rekumendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), wala rin siyang nakikitang constitutional issue dito.

Bukas desesisyunan sa joint session ng Senado at Kamara kung pagbibigyan ang 1-year martial law extension mula January 1, 2018 hanggang December 31, 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?