97

Oct 23, 2017 @ 15:37

Alvarez, pumalag sa ‘paghihiganti issue’ kay Sereno

Binalewala ni Speaker Pantaleon Alvarez ang alegasyon ng Filipino Alliance for Transparency and Accountability (FATE) na parte ng paghihiganti ang impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Nilinaw ni Alvarez na wala siyang dapat ipaghiganti kay Sereno dahil matagal nang naibasura ang kanyang kasong may kinalaman sa PIATCO deal.

“Matagal nang tapos ‘yung kaso na finile nila sa akin at ‘yun ay napatunayan na ‘yun ay walang katotohanan. Matagal na pong na-dismiss ‘yun,” pahayag ni Alvarez sa panayam sa radyo.

Depensa pa ni Alvarez, hindi siya ang naghain ng reklamo laban kay Sereno at nagkataon lamang na siya ang Speaker ngayon ng Kamara.

Idinadaan din aniya nila sa tamang proseso ang impeachment complaint para mabigyan ng pagkakataon ang Punong Mahistrado na idepensa ang sarili sa mga alegasyon ni Atty. Larry Gadon.

Bumuwelta naman si Alvarez sa grupong FATE na tinawag nitong kabute na bigla na lamang sumulpot at aniya’y PR lang na panggulo sa tunay na isyu laban kay Sereno.

“Alam n’yo, ‘yung ginagawa nila, doon mo mahahalata na mahina ‘yung ebidensiya. Unang-una, ‘yung FATE na iyan, ngayon lang sumulpot iyan, parang kabute iyan na itinayo lang para nga dito sa impeachment hearing ni Sereno. At kapag ganyan, iyan ay trabaho din ng PR, pilit nililihis ‘yung usapin,” ayon pa kay Alvarez. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?