35

Dec 12, 2017 @ 21:02
By

Alvarez: Pagbigyan natin ang martial law extension

Inaasahan ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na maaaprubahan ng Kongreso ang request ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang martial sa Mindanao.

“Para sa akin na taga-Mindanao I don’t see any reason why, na hindi pagbibigyan,” ani Alvarez sa press briefing kahapon.

Naniniwala si Alvarez na kailangang palawigin ang implementasiyon ng Martial Law dahil patuloy ang rebelyon sa Mindanao kahit pa humupa na ang putukan sa Marawi City.

“‘Yung nangyari sa Marawi huwag nating sabihin na since tumigil na na ‘yung bakbakan sa Marawi ay tapos na ‘yun. Hindi pa tapos ‘yun. May mga movement pa rin ‘yan at saka mayroon pa rin silang kasamahan na nandodoon,” sabi ni Alvarez.

Ipinunto pa ng lider ng Kamara na ang mga komunistang rebelde at iba pang armadong grupo sa Mindanao ay patuloy sa kanilang extortion activities sa mga plantasyon, mining firms, bus companies, contractors, at iba pang malalaking negosyo.

Sinalungat din ni Alvarez ang alegasyon ng oposisyon na walang matibay na basehan upang palawigin ang Martial Law sa Mindanao.

“Iba kasi ‘yung pananaw nu’ng tayo na sibilyan at saka ‘yung mga military and police. Kaya nga ‘yung ating Pangulo nakikinig doon sa military at police dahil mas alam nila ‘yung situwasyon,” ayon pa kay Alvarez.

Kahapon ay nagsagawa ng majority at minority caucus para pag-usapan ang isyu ng extension ng Martial Law sa Mindanao.

Puntirya ng caucus na maipaliwanag ng security officials sa mga kongresista kung gaano katindi ang banta sa seguridad sa Mindanao at kinakailangang pairalin pa ng isang taon ang martial law.

Ngayong araw ay itinakda ang joint session patungkol sa martial law extension.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?