438

Dec 1, 2017 @ 12:04
By

Alvarez, pabor na muling palawigin ang martial law sa Mindanao

Pabor si House Speaker Pantaleon Alvarez na muling palawigin ang martial law sa Mindanao dahil sa nagpapatuloy na banta sa seguridad sa rehiyon.

“Para sa akin, at siguro para na rin sa majority ng mga taga-Mindanao, gugustuhin na namin itong martial law kasi nga sa dami ng threats of terrorism, ‘yung mga kidnapping d’yan, prevalent sa Mindanao,” ayon kay Alvarez.

Sinabi ni Alvarez na mas ligtas ang pakiramdam ng mga taga-Mindanao sa ilalim ng batas militar.

“Halimbawa under martial law, gusto namin ‘yung checkpoints from time to time kino-conduct ng ating military at kapulisan,” sabi ng Speaker.

Unang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao noong Mayo 23, 2017 kasunod ng bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at teroristang Maute sa Marawi City.

Pinalawig naman ito ng Kongreso hanggang Disyembre 31 sa kahilingan din ng Presidente.

Matatandaang noong Oktubre 17 ay inanunsiyo ni Pangulong Duterte ang “liberation” ng Marawi City mula sa mga terorista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?