34

By

Alvarez, nagbabala ng reenacted budget sa 2018

Sharing is caring!

Nagbabala si House Speaker Pantaleon Alvarez sa posibilidad na magkaroon ng reenacted budget kung hindi magkakasundo ang Senado at Kamara sa panukalang P3.7 trillion 2018 national budget.

“Kami sa House, magha-hard stance kami. Kung ano ang napag-usapan namin at inaprubahan sa House ay iyon ang gusto naming mangyari. Ngayon, kung hindi kami magkasundo doon, ay mag-re-enact na lang tayo ng budget noong nakaraan. Tabla-tabla na lang,” pahayag ni Alvarez.

Ginawa ni Alvarez ang babala dahil sa mga amyendang ipinipilit ng Senado sa pambansang pondo sa susunod na taon.

Dismayado ang Speaker na palagi na lang binabago ng mga senador ang mga panukalang iniaakyat ng Kamara kabilang na ang budget gayong inaaral naman aniya itong mabuti ng mga kongresista.

“Lahat naman pinag-iisipan natin ito, tapos biglang pagdating doon ang daming nagta-tantrums,” sentimyento ni Alvarez.

Kahapon, inumpisahan nang plantsahin sa bicameral conference ang pinal na bersiyon ng 2018 national budget na target ipasa ng Kongreso hanggang Disyembre 13, ang huling araw ng sesyon bago ang Christmas break.

Kabilang sa contentious provisions na pinagtatalunan ng Senado at Kamara ay ang panukala ni Senador Panfilo Lacson na tapyasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways ng P68.7 bilyon.

Sa ilalim ng reenacted budget, ang gagamiting basehan ng pondo ng gobyerno ay ang budget ng nakaraang taon o sa kasong ito kung sakali ay ang P3.35-trillion na 2017 General Appropriations Act (GAA). (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?