38
house-speaker-pantaleon-alvarez
Jun 7, 2018 @ 19:20
By

Alvarez, muntik mawalan ng posisyon dahil sa BBL – solon

Nalagay daw sa alanganin ang posisyon ni Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sa BBL forum sa Makati, sinabi ni Tawi-Tawi Rep. Ruby Sahali na may 50 kongresista mula sa Mindanao ang muntik nang mag-withdraw ng suporta kay Alvarez dahil sa pinagtatalunang mga probisyon ng BBL.

Partikular na tinukoy ni Sahali, chairperson ng House committee on peace reconciliation and unity, ang probisyon na magpapahintulot sa Bangsamoro region na palawigin ang teritoryo nito sa loob ng 25 taon.

Nakasaad dito na puwedeng magdaos ng limang plebisito mula sa ratipikasyon ng BBL hanggang umabot ng 25 taon na nakikita ng mga kritiko na “creeping expansion”.

“Sa totoo lang po, in ensuring na ma-deliver ng House itong BBL, it almost collapsed the leadership of our speaker,” ani Sahali.

“Muntik na kaming matanggalan ng speakership because of this,” ayon sa kongresista.

Inamin ni Sahali na bumigay sila rito makaraang sadyain ng may 50 kongresista ang tanggapan ni Speaker Alvarez at magbantang kakalas dito kung hindi tatanggalin ang nasabing probisyon.

“The whole contingent, almost 50 congressmen from Mindanao, went to the speaker’s office and almost bolted out their support for the speaker pag hindi tinanggal ‘yung provision,” sabi ni Sahali.

“So we had to step up and give it to them,” pag-amin pa ng mambabatas.

Sa inaprubahang bersiyon ng Kamara, isang beses na lamang magkakaroon ng plebisito sa BBL na gagawin sa loob ng 90 hanggang 120 araw matapos itong maisabatas. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?