231

Oct 22, 2021 @ 17:04

Alvarez: Mga kalaban nangangatog na sa pag-akyat ni Ping sa survey

Sinabi ni Partido Reporma president Pantaleon Alvarez, na ang pagtaas ng numero sa survey ni presidentiable Panfilo “Ping” Lacson ay patunay na malakas at matatag ang pundasyong pampolitikal nito, taliwas sa ipinapakalat ng ilang kampo na nag-uumpisa nang mangamba.

Ramdam na aniya ang epekto ng solidong estratehiya ng pagpapakilala ng mga kandidato ng partido at pagpapaabot ng adbokasiya at solusyon sa mga problema ng bansa.

“Ang nakikita ko dito, magtutuloy-tuloy ito at eventually mananalo si Ping Lacson dito. Ito nasasabi ko dahil nga nakahanda ‘yung partido, nakalatag kami sa mga grassroot, at sigurado pagka umakyat ‘yung numbers ni Ping Lacson, ‘yun na ‘yon,” tugon ni Alvarez sa tanong sa kanya ni Cito Beltran sa One News TV.

“‘Yung iba sinasabi nila, ‘yung mag-slide down, ‘yan ‘yung mga fake news na pinapakalat… Ang alam ko merong isang magaling magpakalat ng fake news diyan, ‘yung isang kandidato, dahil wala naman siyang puwedeng ipakalat na good news,” ayon pa kay Alvarez.

Ayon pa sa pinuno ng Partido Reporma, ang nagpapakalat ng fake news laban kay Lacson ay siyang walang karapatang mamuno sa bansa.

“Hindi ko alam kung saan siya humuhugot ng lakas ng loob at kapal ng mukha para kumandidato sa pagka-pangulo,” dugtong pa ni Alvarez.

Sa ngayon ang Partido Reporma ay may 7,321 na bagong miyembro sa Luzon, Visayas at Mindanao at determinadong mapagkaisa ang 1,600 community organizers para suportahan si Lacson umpisa Nobyembre.

Inaasahan din na gaganda pa ang numero ni Lacson sa Mindanao dahil sa solidong suportang ibinigay ng Davao del Norte sa pamamagitan nina Alvarez at Governor Edwin Jubahib.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?