By

Alvarez kay Sereno: Face accusers or resign!

Sharing is caring!

Hinamon ni Speaker Pantaleon Alvarez si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na harapin ang mga nag-aakusa sa kanya sa impeachment hearings ng House committee on justice o magbitiw na lamang ito.

Ayon kay Alvarez, dapat si Sereno mismo ang magcross-examine sa mga testigo kung papayagan ng komite sa ilalim ng Rules of Procedure in Impeachment Proceedings ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Kung ako [at] alam ko na inosente ako sa charges, kaya kong panindigan iyan. Haharapin ko ang impeachment ko at haharap ako sa komite,” punto ni Alvarez.

Sa susunod na Lunes (November 20), ipagpapatuloy ng justice committee na pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang pagdinig sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno.

Tutukuyin ng komite kung may probable cause ang reklamo at dedesisyunan rin kung pagbibigyan ang hiling ng kampo ng punong mahistrado na payagan ang kanyang mga abogado na isalang sa cross-examination ang mga testigo.

Pero pinayuhan ni Alvarez si Sereno na mag-resign na lamang kung may basehan ang impeachment complaint.

“Kung may itinatago at ayaw mong (Sereno) magsiwalat eh mag-resign ka. Diba kasi hindi biro iyan, pati ‘yung bituka mo diyan lalabas,” sabi ng Speaker.

Una rito, idineklara ni Alvarez na mas matibay ang impeachment complaint laban kay Sereno kumpara sa parehong reklamo laban kay resigned Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista na inimpeach ng Kamara. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?