1,680

By

Alitan ng 2 magkaibigan nauwi sa barilan, 3 patay

Bulagta ang tatlong lalaki matapos na mauwi sa barilan ang pag-aamok ng isang lalaki kasama ang kapatid nito at 3 iba pa sa Barangay Sambag 1, Cebu City.

Ayon sa interview ng Cebu Daily News kay Inspector Gomersindo Mandawe, Abellana Police Station deputy chief, nauwi ang komprontasyon sa pagitan ng myembro ng pamilya Bacaltos at Navales sa P. Del Rosario St. na ikinasawi ng ama na si Edwin Bacaltos, 58, at ng kaniyang anak na si Shaun, 22; at ng miyembro ng pamilya Navales na si Vanzant, isa sa magkapatid na dawit sa naganap na away.

Saad ni Mandawe, ayon sa initial investigation dumating si Vanzant kasama ang kaniyang kapatid na si Vincent, at 3 hindi pa nakikilalang kasama sa tapat ng bahay ng mga Bacaltos.

Ayon sa mga witness, minura diumano ni Vanzant ang miyembro ng pamilya Bacaltos na siyang naging dahilan upang lumabas ang ama na si Edwin at ang kaniyang mga anak na si Shaun at Michael at hinarap ang magkapatid.

Sa kasagsagan ng argumento ay naglabas diumano si Vanzant ng baril at nagpambuno sina Vanzant at Edwin, na nagresulta sa pagputok ng baril at pagtama ng bala sa tiyan ni Edwin.

Sa inisyal na report ng mga pulis, sinabi ni Mandawe na umamin diumano si Michael, nakatatandang kapatid ni Shaun na siya ang bumaril kay Vanzant gamit ang mismong baril ng huli.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung paanong nabaril si Shaun.

Tuluyang nasawi ang mag-amang Edwin at Shaun sa ospital habang dead on the spot naman si Vanzant.

Narekober ang 9mm Glock 17 pistol sa crime scene.

Kasalukuyan pang pinaghahanap si Vincent, nakatatandang kapatid ni Vanzant na diumano’y agad na tumakas matapos ang madugong insidente.

Naniniwala si Mandawe na ang naganap na insidente ay bunsod ng personal na alitan ng dating magkaibigan na sina Vanzant Navales at Michael Bacaltos, na parehong dating miyembro ng car racing team sa Cebu City.

Ayon pa sa ibang report, diumano ay binetahan ng nakaw na sasakyan ni Michael si Vanzant na siyang ikinagalit umano nito.

Isa rin sa tinitingnang dahilan ay diumano’y may alitan din sa babae ang dalawa.

Dagdag naman ni Mandawe, ang pamilya Bacaltos at ang magkapatid na Navales ay nagkaroon na ng tatlong pagtatalo nang mga nagdaang taon na umabot pa sa Barangayan kung saan ay hindi sumipot ang magkapatid na Navales.

Kasalukuyan nang nasa kamay ng mga pulis si Michael Bacaltos habang pinaghahanap pa si Vincent Navales.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?