47

Nov 12, 2021 @ 15:11
By

Alis face shield nakabitin kay Duterte

May desisyon na ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga panawagang tanggalin na ang mandatory na paggamit ng face shield sa bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Laging Handa press briefing matapos ang pulong ng IATF noong Huwebes.

Gayunpaman, kinakailangan pa ring dumaan sa approval ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon at posibleng ang Presidente na rin ang mag-anunsiyo nito sa kanyang susunod na Talk to the People sa susunod na linggo.

“Eh pano po yung face shield? Meron na pong desisyon pero ito po ay for approval and possibly for announcement by the President himself,” ani Roque.

Ang regular Talk to the People ng Pangulo ay kalimitang ginagawa tuwing Lunes o Martes.

Matatandaang hiniling ng iba’t ibang sektor at maging ng netizens na alisin na ang paggamit ng face shield dahil karamihan ay hindi kumportable sa paggamit nito.

Nauna na ang Lungsod ng Maynila na nag-alis sa paggamit ng face shield matapos magpalabas ng executive order para dito si Manila Mayor Isko Moreno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?