322

Oct 30, 2017 @ 11:00

Alice Dixson, malakas ang ‘vibes’ sa multo

Isa si Alice Dixson sa may malakas na pakiramdam kapag may kababalaghan o may spirit element sa paligid.

Ilan sa mga naramdaman ni Alice ay sa dati nilang lumang bahay na sinabi ng isang babaeng nagbigay ng bendisyon na merong espiritung namamahay doon.

Hindi pa raw sinasabi ni Alice sa babae ang tungkol doon, nagsalita na ito na merong spirit sa kanilang bahay.  Pero hindi ito bad spirit kundi isang ligaw na kaluluwa lang.

Sa pagkakaalam ni Alice, dapat daw ay nasa kabilang dimension na ito sa tagal nito sa kanilang bahay. Naniniwala si Alice na kaya ipinagdadasal ang mga yumao na ay para makarating sila sa dapat nilang patunguhan, ‘yun ay ang sinasabing after life.

Kahit sa shooting ay nakaramdam na rin si Alice noong ginagawa pa nila ang “Babaeng Hampaslupa” kung saan ang location nila ay sa isang Chinese mausoleum.

Ramdam na ni Alice na may multo sa lugar at doon sa dadaanan nila patungong banyo, kaya naman karamihan sa kanila ay hindi na doon nagbanyo.

Kapag tumindig na ang balahibo ni Alice at nakaramdam na siya ng takot, alam niyang napapaligiran siya ng kaluluwa ng isang yumao na.

Na-experience raw ito ng aktres nong namatay ang kanyang ama. Pagkagaling niya sa sementeryo sa pagbabantay sa labi ng ama na inaayusan, pag-uwi raw niya sa bahay naramdaman niya ang presence ng spirit nito.

Hawak noon ni Alice ang telepono nang biglang mangalisag ang kanyang buhok at makaramdam na siya ng takot.

Feeling niya sumama sa kanya sa bahay ang kaluluwa ng father niya kaya naman lakas-loob niyang kinausap ang daddy niya na huwag itong lumapit sa kanya dahil natatakot siya.

Matapos daw nitong magsalita ay biglang nawala ang paninindig ng balahibo at nawala ang takot niya.

Alam ni Alice na gaya ng ibang tao, mayroon siyang third eye.  Ayaw niyang buksan ito dahil natatakot siyang makita ang hindi niya gustong makita.

Sa shooting ng “Ghost Bride” na pinagbibidahan ni Kim Chiu kung saan meron siyang mahalagang papel, wala raw  siyang naramdamang kahit anong kaluluwa sa location nila.

Ngayong Undas, walang plano si Alice na puntahan ang labi ng kanyang mga mahal sa buhay.  Lagi naman daw niya kasing nadadalaw ang mga ito kahit hindi All Souls’ Day. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?