19

Mar 4, 2021 @ 18:34
By

Alexa, Erjane malalim samahan

Bukod sa kanilang husay at galing sa beach volleyball, isa rin sa naging bentahe nina Abanse Negrense Team A stars Alexa Polidario at Erjane Magdato ang kanilang koneksyon sa isa’t-isa.

Nitong nakalipas na linggo, nagreyna sa 2021 Gatorade Philippine SuperLiga Beach Volleyball Challenge Cup ang Abanse Negrense A matapos lugmukin sa championship round ang Sta. Lucia Realtors A, 21-15, 21-17.

“Hindi naman kami nahirapan na magkaroon ng ibang adjustments nu’ng nagsama kami ulit. Si Erjane kase yung pinakamatagal ko ng kasama sa beach volley, parang kapatid ko na iyan kaya alam na namin ‘yung bawat galaw ng isa’t isa,” siwalat ni Polidario sa TOPS Usapang Sports webcast sa Sports on Air nitong Huwebes.

Magugunita na dati na rin nagkampeon ang tandem nina Polidario at Magdato sa Beach Volleyball Republic (BVR) na inirepresenta ang University of Negros Occidental-Recoletos (UNO-R).

“Iyong partnership namin is nag-complement sa mga personalities namin, in becoming a tandem ulit. Hindi na kami nagkaroon ng malaking adjustments, kaya ‘yung advantage namin is yung connection namin pareho na kahit may misunderstanding kami or miscommunication both inside and outside the court ay kaya naming i-manage agad,” diin naman ni Magdato sa programang handog ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusment and Gaming Corporation (PAGCOR) at Games and Amusement Board (GAB).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?