22

Jan 10, 2022 @ 11:04
By

Alert Level 4 hindi pa kailangan – Palasyo

Wala pang nakikitang sapat na dahilan ang Palasyo para itaas sa Alert Level 4 ang mga lugar sa bansa na mataas ang bilang ng COVID cases, kabilang na ang Metro Manila.

Ito ang ipinahayag ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles sa kabila ng pahayag ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na posibleng itaas sa Alert Level 4 ang Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Sinabi ni Nograles na masusi nilang binabantayan ang sitwasyon at sa ngayon ay hindi pa naaabot ang mga pamantayan para magdeklara ng mas mataas na alerto.

“We are actively monitoring all of the metrics and parameters na dapat nating tingnan. As of the moment, hindi pa siya tumatama doon sa tatlong metrics natin enough for us to declare alert level 4,” ani Nograles.

Pero tiniyak ng kalihim na agad silang magdedeklara ng Alert Level 4 kapag tumama na sa pamantayan ang sitwasyon ng mga tinatamaan ng COVID-19.

“But immediately, pag tumama po yan, we will not hesitate to declare alert level 4 in any area. We are actively monitoring all of the numbers,” dagdag ni Nograles.

Ang binabantayan aniya ngayon ng Inter-Agency Task Force ay ang two-week growth rate, average daily attack rate at ang bilang ng hospital beds na nagamit dahil sa mga nagkakasakit.

Sa ngayon, ani Nograles, ay hindi pa umaabot sa critical level ang sitwasyon sa mga ospital dahil karamihan sa mga tinatamaan ay mild cases lamang at hindi kailangang manatili sa mga pagamutan.

“We are looking at three things: two week growth rate, average daily attack rate and total bed utilization. As of the moment, ang Metro Manila nasa moderate pa tayo sa total bed utilization natin, so it’s not enough for us to declare alert level 4,” wika ni Nograles. (Aileen Taliping)

Erik Santos bigong maging dyowa si Angeline Quinto

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?